Isang Pagnilay-nilay sa Butuan: o Kung Bakit Dapat Kumilos ang Lungsod ng Butuan Tungo sa Pagpapahalaga ng mga Nalalabing Liktao

Marahil may manghang nabibighani sa aking loob o ‘di kaya’y isang palaisipan na humahilanang pilit lutasin, kung kaya’t napupuno ako ng sigasig sa tuwing pupunta sa mga lugar kung saan umaalingasaw ang mga labi ng kasaysayan at pati na nang mga lumang anito at diwata, mapa-museo man ito, silid-aklatan o lumang mga simbahan.  Di maikakaila na may sariling kalinangan at kaluluwa ang mga lugar na ito. May mga kwento at sanaysay ang bawat ukit, tipak, at ang unti-unting pagkatunaw ng kanilang mga materyal. Halos maririnig ang bulong ng mga sinaunang tao sa marahang pagkabulok ng mga labi ng liktao dito. Kaya naman sa bawat bagong lugar na aking napupuntahan, mapa-lokal o internasyonal na biyahe man ito, ay dapat na kasama sa gala ang mga museo, mga lumang distrito o lugar ng sambahan sa kanilang bayan. Sa mga lugar na ito kasi ay may hindi maipaliwanag na koneksyon o dis-koneksyon na nagaganap sa ating kamalayan, bilang kasapi man o kaya’y bisita/turista sa bayan.

Higit pa sa isang lakbay-aral, ang byaheng-Butuan ng aming grupo sa Qualitative Research  noong  Disyembre 8 at 9 ay isa ring pagmumulat sa akin. Simple lang ang aking naging repleksyon sa kabuuan ng lakbay-aral: ang yaman ng ating kultura lalo na mga kulturang-materyal, mapa-sinauna man ito o kasalukuyang-likha; ngunit sa isang banda ay ang hirap namang buuhin ang kamalayang magpoprotekta sa mga ito.

Sa isang napakalungkot na ikot ng tadhana, binayo ang mga bayan sa Davao Oriental at Compostela Valley ng napakalakas na bagyong Pablo, isang linggo bago ang aming itinakdang araw ng paglakbay. Dadaanan patungong Butuan ang mga lugar na ito. May mga agam-agam na ring pumasok sa aking isip kung dapat pa bang ituloy o hindi ang nasabing lakbay-aral, ngunit mainam na ring tinuloy ito at mas naging makabuluhan (para sa akin) ang byahe sa gitna ng lalim ng di-makitang sugat na natamo ng mga nasalanta. Bukod kasi sa pag-aaral ng mga nabubulok na liktao sa mga museo, lumagom ang diskurso sa misyon ng akademiya, lalo na ng agham tao, sa pagtuon ng pansin at pagtugon sa kapakanan ng mga taong mahihirap, naaapi, naisasaiwalat, at nakakalimutan, higit pa sa pansariling mga ambisyon. Ang mga wasak na mga bahay, taniman, gusaling pribado o publiko, kagubatan, sambahan, at pati na ang mga tulalang mga mata na nakatingala sa kawalan, ang nagsilbing pambungad at pangwakas na telon sa aming byahe. Pumasok sa isip ko (sa gitna ng Trento at San Franz) ang mga tanong: ‘yung nabubulok na balangay ba ang dapat iahon o ang libo-libong nawalan ng pag-asa at kabuhayan sa taunang mga kalamidad na dumadaan? Ang nakaraan ba o ang hinaharap ang dapat pagtuunan ng pansin?’ O ‘di kaya’y sa parehong pagkakataon ay sadyang napakaikli lang talaga ng ating memorya?

Hindi man pinalad ang aming grupo na makita ang kabuuang koleksyon ng National Museum sa kadahilanang inaayos ang gusali, napakinggan naman namin ang makulay na kasaysayan ng Butuan galing mismo kay Mr. Greg Hontiveros, may akda ng “Butuan of a Thousand Years”. Madarama ang kasalukayang laban ng mga lokal na pantas ng kasaysayan, antropologo at arkeyologo, sa paglikha ng isang naratibong tataguyod sa makabuluhan at dantaong kasaysayan ng Butuan – ang pag-asang mailuklok sa pambansang kamalayan ang unang misa sa Mazzaua (Masao), ang maitaguyod sa mga sulating pangkasaysayan ang progresibong kumunidad ng Butuan bago pa man ang mga Kastila, ang husay sa paggawa ng mga bangkang gamit sa pangangalakal at ang koneksyon sa sinauna at mayamang imperyo ng Majapahit at Sri Vijaya sa kasulukuyang bansa ng Indonesia. Nakakamangha ang mga sanaysay ng mga eksperto ukol sa pambihirang hukay at mga natatagpuang liktao sa Butuan, at mas marami pa nga sa sagot ang mga katanungan na umuusbong sa mga ito. Halimbawa ay ang kontrobersyal na unang misa na sa kasalukuyan ang sinasabing naganap sa Limasawa, Timog Leyte. Nang marinig ko ang mga inisa-isang ebidensya ni Mr. Hontiveros, hindi ko mapigil na mag-taray (kahit na sa loob-loob ko lang) at bumulong ng So what? Ano naman kung malaman natin kung saan idinaos ang unang misa sa kapuluan ng Pilipinas? Hindi ba’t naging kasangkapan lamang ang relihiyong Kristiyano sa pagsakop ng mga Kastila? Mali rin, para sa akin, ang daloy ng argumento ni Mr. Hontiveros na dahil daw sa paparating na anibersaryo ng pagka-Katoliko ng Pilipinas ay kailangang malaman talaga natin kung saan idinaos ito. Siguro kung ganoon nga at gusto nating malaman ang totoo, ang daloy ng argumento ay walang iba kundi ayusin ang maling naisulat, at hindi dahil sa Katolikong bansa tayo o dahil sa isang anibersaryo na magbubukas lamang ng mga pilit nang humihilom na mga sugat na gawa ng koloniyalismo. Wastuhin ang mali. Tapos. (Ngunit kasama na rin marahil dito ang mga tagong agenda ng lokal na pamahalaan para sa isang Mazzaua Festival o slogan na Catholicism begun in Butuan, atbp.) Para kasi sa akin, move on  na tayo sa mga mas importanteng bagay. Maraming mga nakatiwangwang na hukay na dapat pagtuunan ng pansin, mga balangay na dapat iahon, mga kasangkapang paso at ceramic na dapat alagaan, mga kalansay ng ating mga ninuno, mga liktaong kabahin ng ating pagkakakilanlan na unti-unting ninanakaw at kinakalakal sa black market, habang nagbubunong-isip ang mga madunong kung saan nga ba ang Mazzaua ni Pigafetta.

Bilang mga mag-aaral ng agham-tao, nararapat ipaglaban ang dapat, tapat at sapat na pag-alaga, paglinang at pag-aaral sa mga liktaong nahuhukay sa Butuan. Malalim ang ugnayan ng agham tao sa arkeyolohiya sapagkat ang huli ang siyang nagpapakabuluhan ng mga pang-kultura, panlipunan at pisikal na mga katangian ng sinaunang mga tao. Kung ang agham tao ay siyang nag-aaral sa pangkalahatang aspeto ng pagiging-tao, bukod tangi sa mga hayop dahil sa tinatamong kultura, ang paghukay, pagdiskubre at pag-unawa naman sa mga likhang gawa (material culture) ng mga tao ang siyang nagbibigay kahulugan sa ebolusyon ng sangkatauhan at ang mga pagbabagong naganap sa ating pagka-tao. Lahat daw ng mga pag-aaral na napapaloob sa manto ng agham panlipunan ay base sa interpretasyon hindi tulad ng mga positivist na larangang akademiko, kung kaya’t ang pag-unawa at pagpapakubuluhan sa ibang aspeto ng pinag-aaralan ay kadalasang nahahaluan ng mga personal na mga opinyon, haka-haka at paminsa-minsanang hula. Dito pumapasok ang mga liktaong nadidiskubre ng arkeyologo na nagbibigay-linaw at materyal na pruweba sa mga dati’y hinuha lamang. Halimbawa dito ay ang mga nadiskubreng liktao na may disenyong tulad sa mga kulturang Hinduismo at Budismo, na nagbibigay ebidensya sa impluwensiyang banyaga sa katutubong kultura, kahit pa nga may mga tanong na muling humahalina ng kasagutan: ang mga liktao bang ito (Hal. ang ginintuang Tara) ay gawa ng mga katutubo? Ginamit ba ito ng mga sinaunang tao sa kanilang katutubong paniniwala? Ginawa ba ito para ikalakal? Atbp.

Napakayaman sa kasaysayan at napaka-importante ng Butuan sa pagguhit ng ating kolektibong kwentong-bayan bago pa dumating ang mga conquistador at marahil ay marami pang naghihintay sa ilalim ng lupa na magbibigay ng mas malawak na pag-unawa sa ating nakaraan. Ngunit mapapansin ang kawalang suporta ng lokal na pamahalaan at pati na ng kumunidad na nakapaligid sa mga lugar na pinaghuhukayan. Walang karampatang budget na ibinibigay ang pamahalaan sa paghahanap ng iba pang labi o liktao na marahil ay makapagpapatunay ng maraming haka-haka at katanungan ng mga antropologo at historiograpo ukol sa ating mga ninuno. Pati na ang pagprotekta sa mga ito ay isinasantabi at mas binigyang halaga pa ang laban para sa unang misa. Ang Butuan Boat Excavation Sites, halimbawa, ay nakakaawang tingnan sa kasalukuyan nitong kalagayan: nakatiwangwang at napapabayaang nakababad sa putik at tubig, naghihintay ng kung sinong magbibigay ng pera na hindi nalalayo sa kalagayan ng mga namamalimos na lumad sa Davao. Hindi nakapagtataka kung bakit may mga discrepancy  sa mga ginawang carbon dating  sa mga balangay.

Ang kulang ay hindi lamang ang suporta mula sa lokal at pambansang pamahalaan, kundi ang pagpapakubuluhan natin sa ating kasaysayan. Iginuhit ng mga nanakop sa ating mga utak na walang sibilisasyon bago ang kanilang paghari, ngunit heto ang Butuan na nagpapasiwalat sa kanilang kasinungalingan: may mataas na sibilisasyon sa bunganga ng ilog Agusan. Hindi nakapagtataka kung bakit ang ikli ng ating memorya.

[For Photos: https://www.facebook.com/media/set/?set=a.4998373677903.2197616.1256591152&type=3]

Advertisements

Paghahanap ng Pagkakakilanlan sa Makabago at Hayag pang Nagbabagong Panahon at ang Tungkuling Gabay ng Agham Tao

 

Malawak ang mga diskursong sumasaklaw sa pagkamit, pag-aangkin, at pag-unawa sa etniko at pambansang pagkakakilanlan o identity. Nariyan ang paniniwalang ang pagkakakilanlan ay isa lamang konseptong umuusbong mula sa mga abo at kaganapan ng kasaysayan at mga kwento ng mga nagagapi at nagwawagi sa daan-daang digmaan sa martsa ng kasaysayan. Isang halimbawa ang nangingibabaw na konsepto ng pagiging-Pilipino resulta ng kolonisasyon ng Espanya, bukod pa  ang pagkakakilanlan ng mga Moro at katutubo na lumaban sa dayuhang kapangyarihan. Ang buong malay na pagpili ng pagkakakilanlan ay isa ring posibilidad sa diskursong ito kung saan pinipili ng tao ang nais niyang pagkakakilanlan, halimbawa ay ang kaso ng mga migranteng Amerikano na pinili ang mapasailalim sa umiiral na kamalayan ng pagiging-Amerikano at sa kulturang kano, habang isinasangtabi ang kanilang mga iba’t ibang etnikong kalinangan at pinagmulan.

Ang kasalukuyang mga usapin at pagbubunong-isip patungkol sa Balangkas ng Usaping Pangkapayapaan ng Bangsamoro (Bangsamoro Framework Peace Agreement) na nilagdaan noong Oktubre 15 sa Malacañan, ay nagpalalim sa diskurso tungkol sa pagkakakilanlan – ang pagkamit nito, pag-angkin at pag-unawa. Maraming mga adbokeyt sa kapayapaan, nongovernment organizations na nagtataguyod ng mga karapatan ng mga katutubo, mga ibang Muslim, mga paaralan at iba pa, ang nabahala sa malawak na saklaw, problematikong  pagpapakabuluhan ng kasaysayan at sistematikong pag-iisa ng pagkakaiba-ibang lipi/kultura, ng salitang Bangsamoro.

Hango sa dalawang banyagang salita na Bangsa (Bahasa Melayu para sa Bansa) at Moro (Kastila para sa Muslim), makikita sa mga salitang ito ang inuugatang problema. Sa mga nakalipas na mapapait na taon ng digmaan sa Mindanao para sa sala-salungat na mga bersyon ng kasaysayan – sa isang kampo ay ang MNLF/MILF/BIFF na lumalaban para sa kasarinlan ng mga Muslim ng kanlurang Mindanao at sa kabilang kampo naman ay ang hukbong sandatahan na nakikipaglaban sa pangalan ng estado at sa bersyon nito ng kasaysayan – bakit umiibabaw pa rin itong dalawang salitang banyaga at ang mga kaakibat nitong konsepto at ideyolohiya?

Nakapagtataka din ang gamit ng Bangsa o Bansa (nation), na humahalina sa mas malalim na usapin tungkol sa kung ano ang bansa at ang taglay nitong mga  diskurso. Kung pag-uusapan nga naman ang bansa at pagiging-bansa, meron dapat umiiral na pangkalahatan at laganap na salaysay (common narrative) ng pagkakakilanlan na makikita sa iba’t ibang kumunidad/tribo at medya. Meron bang ganito sa sakop ng Bangsamoro? Papaano nasasaklaw ng “Bangsamoro” ang katuwirang binubuo ito ng magkakaiba-ibang salaysay ng Tiruray, Maguindanao, Iranun, Balanguingui, Tausug, Sama, at iba pa? Papaano rin nasasaklaw ng Bangsamoro ang iba’t ibang ekspresyon ng pagiging-Muslim upang ganap na masabi natin na tuwirang bansa ang sinasabing Bangsa ng mga Moro?

Kung sa katunayan, hindi nalalayo ang diskurso sa itaas sa sinapit ng iba pang katutubo sa Pilipinas na napasailalim sa Republika at gayundin sa saklaw o konsepto ng iisang bansa. Sa ganitong kadahilanan, nararapat lamang na pag-aralan kung ano nga ba ang pagkakakilanlan katabi ng diwa at pagkakaintindi sa bansa. Mabuting gabay ang mga lente ng post-modernismo at structural-functionalism sa usaping ito.

Ang post-modernismo ang naglakas ng loob na tanungin at pabulaanan ang mga tradisyunal na pag-intindi, pati na ang konsepto ng pagkakakilanlan maging etniko man o pambansa. Maaari ring gamitin ang metodolohiya ng structural-functionalism sa paghahanap ng kasagutan sa dahilang sa teoryang ito ay sinasabing ang lipunan ay isang ugna-ugnayang sistema na binubuo ng mga parteng tumutulong para itaguyod ang pagkakaisa sa lipunan. Maari itong gamitin sa pagaaral ng pagkakakilanlan dahil sa macro-level o pangkalahatan nitong pagtingin sa mga ugnayan ng mga istruktura at institusyong napapaloob sa lipunan.

Sa sulating ito ay nais kong gamiting lente ang post-modernismo at structural-functionalism sa pagintindi kung ano ang pagkakakilanlan at kung papaano ito nakakamit, na-aangkin at nauunawaan. Galing sa problematikong taglay ng isyu na ito ay tutungo tayo sa kung anong nararapat gawin ng agham tao sa pagbibigay halaga at pagpapakabuluhan sa usapin ng pagkakakilanlan o kung nararapat pa nga ba itong pag-usapan sa larangan ng agham tao na kung susuriin ay halos ganap ng pandaigdigan ang pananaw ng karamihan, kasing-bilis na ng kidlat ang komunikasyon at impormasyon, at unti-unti na ring nalulusaw ang mga tradisyunal na linyang-saklaw o taliktik ng  mga katutubo, mga rehiyon at pati na rin ng mga bansa.

Ang post-modernismong pagtingin sa diskurso ng etniko at pambansang pagkakakilanlan ay naka-sentro sa pagaaral ng teksto at konteksto. Bilang mga miyembro ng isang lipi, o kaya ay posisyong ekonomikal, at pati na rin ng pagka-lalake o pagka-babae, sinasabing idinidikta ng mga ito kung papaano tayo nararapat magsalita at mula sa lenggwahe ay naisasa-diwa ang mga paniniwala o ideyolohiya na siya namang nagdidikta ng pagiging kung-ano-man e.g. Pilipino, T’boli o Tiruray. Maaalala dito ang Sapir-Whorf hypothesis na ang lengwahe daw ay nagdidikita sa kung ano man ang pananaw, pag-intindi at pag-hulma natin sa mundo. Ngunit bukod dito ay importante ding malaman na hindi lamang teksto (lenggwahe at komunikasyon) ang nagdidikta ng pagkakakilanlan, kasama na rin ang konteksto o kaya ay ang pangkalahatan at tunay (na ayon sa panlipunang memorya) na pag-aaring kasasaysayan ng isang lipunan, kasama rin sa konteksto ang paniniwala, ideyolohiya at relihiyon.

Ayon sa post-modernismong pagtingin sa pagkakakilanlan, ito raw ay may konseptong pa-saklaw (inclusive) kung saan ang napapaloobang tradisyon, kultura, lenggwahe, relihiyon ay pawang may mga konseptong pang-lahat at mapang-giit ; No choice kumbaga. Sa pang-gigiit na ito ay may natatatak sa pagkatao at siya nang humuhubog sa pagkakakilanlan ng tao. Ang mga bagay na ito ay binibigyang hangganan ang pagkatao na maaaring pahalang o patayo, sa pinakamalaking pagkakakilanlan ng bansa man o pati na rin sa maliit na bayan, barangay, tribo o sitio.

Ang kultura din ay may malaking puwang sa paghubog ng identity. Ang kultura bilang kakayahan ng tao na mairepresenta ang kanyang mga karanasan sa pamamagitan ng malikhaing simbolo, ay agarang target ng post-modernismo dahil sa ang mga simbolo, kasama na ang mga ritwal, pananamit, liktao, mitolohiya atbp., ay bahagi o di kaya’y hayagang teksto. Kabilang dito ang pag-unawang ang kultura ay isang malakihang salaysay o magkakabit-kabit na kwentong nagdikta sa pagkakakilanlan (grand narratives). Samakutwid ay kwentong bayan lamang ang kultura na nananaig sa miyembro ng isang lipunan dahil sa nanuot sa kamalayan ang kumbaga’y pawang likhang-isip o fiction lamang, dahil ano nga ba ang tunay na totoo kung ang lahat ay pawang teksto at konteksto lamang? Sa bandang huli, ang nihilistikong pananaw na ito ng post-modernismo (lalo na ng deconstructionism) ay umaakit ng paggiba at paglusaw sa etniko at pambansang pagkakakilanlan.

Tatanungin ko ang aking sarili. Ano nga ba ang pagkakakilanlan ko? Masasabi ko ng hayagan na ako ay Pilipino, ako rin ay Bikolano, ako ay isang Nagueño. At bakit ko ito nasabi? Sa kadahilanang ako ay isinilang sa Pilipinas, sa lungsod ng Naga sa Rehiyong Bikol sa dulo ng isla ng Luzon. Nagsasalita ako ng Standard Bikol, deboto ng Birheng Penafrancia, sanay sa mga bagyo, mahilig sa sili at gata, kabisado ang paiba-ibang mukha ng bulkang Mayon at Isarog, at naniniwalang mas uragon kaysa sa mga Bisaya o Waray.

Sa teksto (lenggwahe, simbolismo) marahil ay may katuwiran ang post-modernismo na ang mga pagkakakilanlang ito ay hindi tunay at sapat dahil marami ring deboto si Ina na hindi Bikolano, marami ring mga hindi Bikolano ang mahilig sa sili at gata (halimbawa ang mga taga-Java Indonesia), ang mga taga-Batanes ay mas sanay pa siguro sa amin sa bagyo, at ang salitang Bikol ko ay hindi naman ang Bikol ng aking lola (kailangan ko pa siyang tanungin ko ano ang ibig sabihin ng ranga, imbod, awot pa, hinanyog at kung ano ano pa).  Kung sa konteksto naman ang pagbabasehan, ang kasaysayan ng aking lahi, ang kanilang mga pinagmulan at laban sa buhay, ay malabo ring pagbasehan ng aking pagkakakilanlan. Ang aking lola sa ina ay may itay na taga-Nueva Ecija at aking ama naman may lahing intsik sa kanyang ama. Ang matitira na lamang ay ang katotohanang ipinanganak ako sa Naga, Bikol, Pilipinas. Ngunit paano na lang ang aking mga pinsan na ipinanganak sa London? Hindi ba sila Pilipino at Bikolano? Kung totoong kathang-isip ang pagkakakilanlan, ano ito ngayong itinataguyod na Bangsamoro? Para saan pang namatay ang mga daan-daang nakipaglaban para sa (Bansa?ng) Moro na ito?

Kung kathang-isip ang pagkakakilanlan, malamang ay may ginampanan itong silbi sa lipunan. Hindi ba’t gumagawa tayo ng kasinungalingan para makalabas ng gusot o kaya’y nag-iimbento ng white lies para sa kapakanan ng mas nakararami? Maaring may katuwiran ang structural-functionalism na may silbi ang bawat parte ng lipunan o mahahalintulad sa mga espesipikong tungkulin ng mga organo ng “katawan”.  Ang mga ritwal halimbawa ay nagsisilbing pambigkis sa mga indibidwal at hinihilom din nito ang iba’t ibang klase ng alitan sa lipunan upang maging mas matatag at nagkakaisa ang nasabing grupo o kumunidad. Hindi kaya’y may ginagampanan din katulad nito ang etniko at pambansang pagkakakilanlan?

Sabihin nating meron itong ginagampanan sa lipunan. Pwede natin itong ihalintulad sa ID card, hindi nalalayo dahil magkaugat lang naman ang salitang ito: ID – identification – identity – identitas – galing sa Latin na idem (nangangahulugang pareho). Kung wala kang ID ay hindi ka papapasukin sa Ateneo de Davao at hindi lang yan, dapat ay magka-pareho ang nasa ID at ang totoong ikaw. Ang pagkakakilanlan din ay ID card para makapasok ka sa isang grupo o kaya’y lipunan. Ngunit hindi lang pawang salita ang pagkakakilanlan, kailangang tunay kang in sa grupo – sa salita, isip at gawa. Samakatuwid, ang pagkakakilanlan ay nagsisilbing susi para makapasok ka sa grupo o lipunan na siyang mag-aaruga, kukupkop, mag-poprotekta at magpapadama ng hinahanap-hanap ng kahit sinumang tao, ang belongingness o ang pagiging kaisa ng grupo. Dahil sa ang tao ay ganap na sosyal, namumuhay sa organisadong kumunidad, ang pagiging parte ng grupo ay isang pangangailangan na hindi maikakaila.

Kung lahat, pati na ang pagkakakilanlan ay hamak na naratibo/salaysay lamang, maaari nating sabihin na may silbi pala ang mga kathang-isip na ito. Ang patong-patong na likhang-isip o kasinungalingan sa kahabaan ng panahon ay nagiging katotohanan. Ngunit mali rin yata ito, dahil paanong naging totoo ang kasinungalingan? Wala nga talaga sigurong Totoong totoo, kung post-modernismo ang pagbabasehan, ngunit naiiwang totoo ang mga bagay na may silbi at halaga.

Sa paghahangad ng Agham Tao na mabigyang linaw ang paiba-ibang mukha ng kultura, kailangan ding pagtuunan ng pansin ng ma Antropologo ang pagkakakilanlan ng mga miyembro ng kumunidad na kanilang pinag-aaralan. Ang mga T’boli ba ang naghahabi ng T’nalak o ang T’nalak ang naghahabi ng T’boli? Tanggalin natin ang T’nalak, T’boli pa ba sila?

Ang ganitong mga tanong ay lubhang mahalaga lalo na sa panahong ito kung kailan mabilis at ganap ang mga nangyayaring mga pagbabago. Baka bukas ay hindi na nagsusuot ng s’laong kinibang (malaking salakot) ang mga T’boli at wala na rin sa bokabularyo nila ang lemlunay ngunit T’boli pa rin ang tawag nila sa kanilang sarili – paano na maisasakatuwiran ang pagkakakilanlang etniko? Hindi malayo na mangyari ito. Apatnaraang taon bago ngayon ay mga nakabahag pa ang mga Bikolano at naniniwala sa Gugurang at sa kaniyang kapatid na si Asuwang. Ibang iba na ang Bikolano ngayon na kung tutuusin ay parang kisapmata lang sa martsa ng kasaysayan ang dumaang mga taon. Mas marami pa ata akong tanong kaysa sagot sa sulating ito. Pinapakita lamang na bukas ang diskurso sa usapin ng pagkakakilanlan. Pinapakita rin na ang pagsubok sa Agham Tao ay mabigat at walang katapusan, ngunit kailangang suungin ang nihilistikong pananaw na umiiral ngayon at isulong ang tungkulin ng Agham Tao na mas higit pang maunawaan at maibahagi kung ano, bakit at papaano ang maging tao, at lalo na siguro sa panahon ngayon, maging tao para sa kapwa.