Ang Hapag-Kainan Bilang Talinghaga sa Paglinang ng Pambansang Pagkakakilanlan

Noong nakaraang National Archives Congress (17-18 ng Nobyembre 2012) na isinagawa sa Pamantasan ng Ateneo de Davao, tinanong ni Paring Bert Alejo, SJ kung ano ang pambansang pagkain ng Pilipinas. Madali rin ang aking sagot, na kulang na lang binatong pasigaw sa naglelektyur na pari, na lechon (lechon!) ang pambansang pagkain. Bakit nga ba hindi lechon kung makikita mo ang inihaw na buong baboy sa karamihan ng ating piging, piyesta, salu-salo, sa bahay man ng mahirap o mayaman? Sa katunayan, tama naman ang sagot ko sa tanong ni Paring Bert. Lechon nga daw ang pambansang pagkain. Sa paglilinaw naman sa isang lathala ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, hindi naman daw pambansang simbolo ang lechon kundi ay isang cultural icon na hindi isinabatas bilang isang pambansang simbolo bagkus ay nakagawian na nating mga Pilipino kasama na nang adobo, sinigang at pati na rin siguro ang pambasang kamao na si Manny Pacqiuao[1].

Ngunit may mga sumunod na tanong si Paring Bert na nagbukas sa mas malalim na pagpapakuhulugan dito. Bakit lechon kung hindi naman nito naisasaklaw ang mga kapatid na Muslim? Bakit lechon kung marami naman sa mga Pilipino ang hindi kumakain ng baboy gawa ng pagbabawal ng kanilang relihiyon? Bakit lechon (de leche o lechón na nangangahulugang batang baboy[2] sa wikang Kastila) kung tahasan naman itong dala ng mga mananakop?[3] At ano naman ang kinalaman ng pagkain sa pambansang pagkakakilanlan (national identity)?

Hindi ko masasagot sa ngayon ang mga tanong bukod sa pinakahuli. Sa pagtatangka kong sagutin ito, magsisilbing gabay natin si Emiko Ohnuki-Tierney, isang antropologo na nag-aral sa papel ng mga galaw sa kasaysayan ng bansang Hapon sa paghubog ng kanilang pambansang pagkakilanlan na naka-sentro’t naka-ugat sa bigas, palay, at kanilang sakahan.

Pinamagatang “Rice as Self: Japanese Identities through Time” ang kanyang libro na nailimbag taong 1993. Sa librong ito ay binigyang diin ang paraang pangkasaysayan na gumagamit ng diachronic na lapit o ang pag-aaral ng isang penomena habang ito ay nagaganap sa tahas na haba ng panahon. Sa paraang ito ay binigyang tuon ni Ohnuki-Tierney ang bigas at kung papaano ang isang pangunahing pagkain ay naging isang makapangyarihan at makapukaw na simbolo ng kolektibong sarili[4] (collective self) ng mga Hapon. Sa kanyang paraan ng pag-aanalisa ay maaari ring masagot ang tanong natin na “ano ang kinalaman ng pagkain sa pambansang pagkakakilanlan (national identity)?” Sabi ni Ohnuki-Tierney malaki ang kinalaman ng pagkain sa pagtaguyod at paglinang ng pagkakakilanlan. Hinalimbawa niya ang oposisyon ng pangunahing pagkain o staple food ng mga Asyano at mga taga-Europa: ang pagkain ng bigas vs. tinapay[5].

Ang pagsasalungat na ito ng “tayo” at “sila” o ang “pagkain natin” at ang “pagkain nila” ay isa nang tahasang pagpapahayag ng pagkakakilanlan kung saan nabibigyang halaga ang pagkakaiba-iba, hindi lamang sa pagkain pati na rin sa kultura. Ngunit pinalagom rin ni Ohnuki-Tierney ang diskurso dito gamit ang kasaysayan ng Hapon. Sinabi niyang hindi naman biglang umusbong na lamang ang ganitong kamalayan at pagpapahalaga sa bigas/palay. Sa panahong ika-walong dantaon lang naman ani’ya nagsimulang maging simbolo ang bigas/palay at sakahan bilang pambansang pagkakakilanlan. Sa katunayan nga daw, noong panahong Edo sa Hapon, ay pagkain ng mga nasa mataas na posisyon sa lipunan (ang mga bagani at mga namumuno) lamang ito, at may malawak na “agwat sa pagitan ng mga magsasaka at ang mga kumakain nito na hindi nagsasaka”[6].

Sa kanyang pananaliksik, nahinuha ni Ohnuki-Tierney na nagsimula lamang na maging simbolo ng pagkakakilanlan ang bigas/palay at ang mga sakahan noong panahon na lumalaganap at nanghihimasok ang kulturang Tang ng Tsina sa Hapon. Mapatutunayan ang paglaganap ng kulturang ito sa kanji o ang sistema ng pagsulat na Hapon na gumagamit ng mga karakter na galing sa Tsina. Sa panahong ito minabuti ng emperador na si Tenmu[7] ang pag-komisyon at pagpalaganap sa mga sari-saring kwento, alamat at mitolohiya na magtatatag ng pagkakakilanlang Hapon na naiiba sa Tsina. Karamihan sa mga kwentong ito ay bumabanggit sa “bigas/palay bilang mga diwata[8][9]. Isa sa mga kwentong ito ay ang alamat ng unang emperador na si Jinmu, anak ng diwata ng tangkay ng palay at apo ni Amaterasu (diwata ng araw). Binigyan si Jinmu ni Amaterasu ng mga binhi ng palay at binigyan ng sugo na baguhin ang mga isla ng Hapon mula sa pagiging ilang at magubat hanggang ang mga islang ito ay mapuno ng mga ginintuang palay.

Samakatuwid, mula sa mga kwentong ito ay nabuo ang kamalayan na ang mga bigas/palay ay mga diwatang-nangatawan at ang pagkain nito ay nangangahulugang pag-iisa ng banal at ng katawang-lupa ng mga tao. Dugtong pa ni Ohnuki-Tierney:

Since human lives wane unless the positive principle replenishes their energies, humans and their communities must rejuvenate themselves by harnessing the positive power of deities (nigimitama).[10]

Pinakita ni Ohnuki-Tierney sa Rice as Self na ang bigas/palay, kaluluwa, diwata at nigimitama ay magkakapantay na simbolo, at dahil dito, ang pagbabahagi ng bigas/palay at mga produkto mula dito ay isang akto ng commensality sa pagitan ng mga tao at diwata[11], pati na sa mga kapwa-tao. Mula sa ganitong pagpapakabuluhan ng mga mito at alamat ay umusbong naman ang mga iba’t-ibang ritwal na naka-sentro sa bigas/palay.

Sa isang banda naman, binigyan rin ng hulugan ni Ohnuki-Tierney ang sakahan bilang panlipunang katumbas ng mas indibidwal na bigas/palay. Ang simbolo ng mga sakahan at palayan ay nabigyang kabuluhan at kahulugan bilang katumbas ng grupong kinapapalooban, halimbawa ang pamilya, ang nayon o ang bansa. Maraming binigay na halimbawa si Ohnuki-Tierney dito. Isa na ang ang mga inukit na woodblocks na kadalasa’y nagpapakita ng agraryong kanayunan at pati na rin ang mga tula at sanaysay na may mga tagpo sa sakahan o ‘di kaya’y mga gawang-biswal na nagpapakita ng nayon sa panahon ng pagtatanim o anihan. Sa gayun, ang sakahan din ay naging talinghaga ng pambansang pagiging-Hapon.

Ang pagkakakilanlan ng sarili, samakatuwid, ay isang proseso ng pagyari at pagbibigay-kahulugan na nagmumula sa kagustuhang mapa-iba at mapa-lawak ang agwat ng sariling “akin” at “sayo”. Makikita ito sa kasaysayan ng bansang Hapon kung saan minarapat nilang (marahil ang ‘nila’ ay tumutukoy lamang sa mga ilang nasa ‘itaas’ ng lipunan) maging iba at kakaiba laban sa patuloy na pagdagsa ng kulturang Tsina at pati na nang mga kanluraning kultura.

Ngunit, kumakain rin naman tayo ng kaning bigas, hindi po ba? Ano ang pagkakaiba nating mga Pilipino at ang iba pang Asyano na kumakain ng bigas sa mga Hapon? Paano ito na-solusyunan ng mga Hapon?

Ang sagot ay ang klase ng bigas/palay na tinatawag na Oryza japonica. Ang mataba, maliit at maputing bigas na ito ang isa rin sa nagpalawak ng agwat sa “bigas namin” at “bigas ninyo”. Kung ihahalintulad sa mahaba at payat na Oryza sativa at Oryza indica na nagmula sa kalakhang Asya, ang japonica ang mas pinapahalagahang klase ng bigas ng mga Hapon. Sa sanaysay ni Ohnuki-Tierney, binanggit niya ang diskriminasyon ng mga Hapon noong panahon ng Meiji sa pagitan ng ginmai (silver rice) na tanim sa bansang Hapon at ang nankinmai (bigas na galing sa Tsina) na mas mababa daw ang kalidad. Pati noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig, ang bigas na japonica, na nangangahulugan ding “pagkadalisay ng sarili”[12], ay isinasantabi para sa mga sundalo. Ngunit hindi lamang basta Oryza japonica ang bigas. Kinakailangang tinanim ito sa bansang Hapon. Sinalaysay pa ni Ohnuki-Tierney na noong taong 1993 ay nagkaroon ng mga panukalang mag-angkat ng bigas mula sa California. Binatikos ito ng nakararami kahit pa nga ba magkamukha lang naman ang bigas na aangkatin at ang bigas na tinatanim nila. Kwento pa ni Ohnuki-Tierney:

Nonetheless, not just the government and farmers but also some consumers came to the defense of domestic rice and Japanese rice agriculture, arguing that rice paddies are essential for Japanese land, functioning as flood control by serving as dams, soil conservation, preservation of underground water, purification of air and water, and beautification of the land. We see the recurrence here of the spatial metaphor of rice paddies as our land.[13]

Pinalalim naman ni Ohnuki-Tierney ang diskurso sa kaganapang ito noong 1993. Sinabi niya na ang reaksyon na ito ay nagpapatotoo lamang sa mas malalim na pagpapakabuhulan, hindi lamang sa pagkadalisay ng bigas na tanim sa bansang Hapon, kundi pati na rin sa pinaniniwalaan nilang pagkadalisay ng kanilang pagkakakilanlan at ng kanilang pagiging-Hapon.

Marahil dito ang akmang guang para balikan natin ang sarili nating hapag-kainan.

Kapag piyesta sa amin sa Naga, Bikol, karaniwan nang makikita ang mga sumusunod sa hapag-kainan: caldereta, pancit (canton o guisado), spaghetti, adobo, piniritong manok, higado, gulay na laing, gulay na sili (o mas popular na Bikol express), mechado, chiffon cake, fruit cocktail at leche flan. Sa unang tingin natin ay tunay na piyestang Pinoy ang handa, ngunit kung susuriin karamihan dito ay mga lutong Kastila (caldereta, adobo, higado, leche flan, mechado), Intsik (pancit), Italyano (spaghetti) at Amerikano (cake, fruit cocktail, at fried chicken). Ano nga ba ang pagkaing Pilipino na makaka-representa at magiging talinghaga sa pagiging Bikolano? Maaari nating sabihin na ang gulay na laing (natong sa salitang Bikol) at ang gulay na sili ang tunay na lutong Bikolano. Maihahambing din dito ang ugaling ‘purist’ ng mga Hapon sa libro ni Ohnuki-Tierney sa ugali ng mga Bikolano na magsasabing “bako man yan natong[14]” o “bako man arog kayan an pagluto ning ginulay na lada[15]” kapag nakakakita o nakakatikim ng luto ng hindi Bikolano. Kung aalalahanin nga ang komersyal sa TV ng Maggi Magic Meals Bicol Express, ay maraming Bikolano ang nagalit sa paraan ng pagluto na pinakita sa nasabing komersyal. Hindi naman daw ganoong nilalagay lang sa supot ng plastic ang karne, sili, gata at Maggi “Bicol Express” powder ang pagluto nito. Nakakainsulto daw sabi pa ng isa kong kaibigan. Samakatuwid, isa ring tahakang pag-insulto sa pagkakakilanlang Bikolano ang ganoong pag-“commercialize” ng isang lutong Bikolano. Marahil ito rin ay bunga ng sinasabi ni Ohnuki-Tierney na “food.. as a powerful and evocative symbol of the collective self of the people.

Makikita at mararamdaman din sa iba pang lutong ‘Pilipino’ ang daang taong kasaysayan ng ating lahi. Sa mga lutong calderera, adobo at mechado, halimbawa, ay nanunuot ang impluwensiya ng mga nanakop na Kastila. Ang naiiba lang, at marahil dito tayo mahusay, ay ang pag-aangkin natin sa mga lutong ito bilang tunay na Pinoy. Kunin nating halimbawa ang adobo. Mula sa lutong Kastila at Mehikano, ay kung anu-anong inobasyon ang ginawa natin dito: ang Bikolano ay pinapatuyo sa sariling mantika ang karne, ang mga Ilokano naman ay binababad ito sa bawang at marami pang iba.

Tunay nga sigurong sa paglikha natin ng pagkakakilanlan ay kinukuha at pinapaghusay natin ang pira-pirasong maganda, makabuluhan, at malinamnam sa ating kolektibong kasaysayan upang angkinin at tunay na gawing “atin” – bukod tangi at hitik na hitik sa talinghaga.

Pinagsanggunian:

“The ‘Pambansang Kamao’ as Told in His Own Words,” Manila Bulletin, Pebrero 2, 2011.

National Commission for Culture and the Arts. “The Philippine Fact Sheet”, Balanghay, paglalathala bilang 3, Mayo-Hunyo 2012, nakuha noong Hulyo 25, 2013, http://www.ncca.gov.ph/downloads/balanghay.pdf.

Ohnuki-Tierney, Emiko. Rice as Self: Japanese Identities through Time, “Education About Asia 9, bilang 3 (Winter 2004).

Ohnuki-Tierney, Emiko. Rice as Self: Japanese Identities through Time (New Jersey: Princeton University Press, 1993).

Wikipedia. “Lechon,” nakuha noong Hulyo 25, 2013, http://en.wikipedia.org/wiki/Lechon.

Wikipedia. “Suckling Pig,” nakuha noong Hulyo 25, 2013, http://en.wikipedia.org/wiki/Suckling_pig.


[1] Manila Bulletin, The ‘Pambansang Kamao’ as Told in His Own Words.”

[2] Wikipedia, Suckling Pig.”

[3] Wikipedia, Lechon.” Maaari ring tingnan ang: National Commission for Culture and the Arts, “The Philippine Fact Sheet”, Balanghay, paglalathala bilang 3, Mayo-Hunyo 2012.

[4] Emiko Ohnuki-Tierney, Rice as Self: Japanese Identities through Time, “Education About Asia 9, bilang 3 (Winter 2004): 4.

[5] Ibid.

[6] Ibid.

[7] Ika-apatnapung emperador ng bansang Hapon, taong 673-686 B.C.E.

[8] Ginamit ang salitang diwata sa kabuuan ng sulatin na tumutukoy sa salitang Ingles na deities.

[9] Ohnuki-Tierney: 4.

[10] Ibid. 5.

[11] Emiko Ohnuki-Tierney, Rice as Self: Japanese Identities through Time (New Jersey: Princeton University Press, 1993), 44-62.

[12] Ohnuki-Tierney, 2004: 8.

[13] Ibid.

[14] “Hindi naman yan laing”

[15] “Hindi naman ganyan ang pagluto ng Bikol express”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s