Agos at Paghamon

Mga bantang dala ng Sagitarrius Mines sa yamang-tubig ng Gitna at Timog Mindanao

DPP_1122

“Ang tubig ay buhay at kabuhayan.”

Saan pa nga bang lugar sa Pilipinas mas higit na nagkakamukha at nagkakatuturan ang katagang ito kung hindi sa mga bayan ng Timog Mindanao na ngayo’y naging sentro ng tunggalian sa pagitan ng mga nagtutulak ng pagmimina sa bayan ng Tampakan at ang mga naglalayong pangalagaan ang yamang likas at tao dito? Sa isang proyekto na binasbasan ng gobyerno, pitong ilog na pinagmumulan ng tubig ng Timog Kotabato, Sultan Kudarat, Davao del Sur, Maguindanao hanggang Kotabato ang nababantaang maapektuhan ng pinakamalaking minahan sa bansa: ang SMI/Xstrata Tampakan Copper-Gold Project.

Maituturing na mga taong-tubig ang mga taga-Mindanao. Sa tubig umiikot ang mga iba’t ibang kultura sa islang ito at kabahin na nito ang kanilang pagkatao’t pagkakakilanlan: Danao, Ranao, Lanao, S’bu, Suba, Kaulo, Pulangi, Agus, Laut, Sug, Salug, E-el… Lahat ng mga ito ay nagpapahiwatig ng tubig sa kanyang iba’t ibang anyo bilang ilog, sapa, lawa o dagat. At sa mga pangalang ito’y makikilala natin ang Min-Danao, Maranao, Maguindanao, Lawa ng Sebu, Manobo na galing sa Man-suba, Taga-Kaulo, ang ilog ng Pulangi, Agusan, mga Sama Dilaut o Badjao, Tau-Sug, Matig-salug, ang mga lugar ng Alab-el at Marb-el na galing sa B’laan para sa tubig, e-el. Tunay ngang sa Mindanao, ang tubig ay siya ring ating buhay at pagkakakilanlan.

Sa bayan ng Buluan, probinsya ng Maguindanao, kakabit ng tubig ang kabuhayan. Dito, sapat ang biyaya ng lawa ng Buluan para buhayin ang pamilya at para mamuhay ng sapat sa pang araw-araw. Ikatlo ang Buluan sa pinakamalawak na lawa sa Mindanao kasunod ng Lanao at Mainit. Pinamamahayan ito ng mga Maguindanao na kung saan tinuturing nila ang lawa at ang pinak ng Ligawasan bilang kanilang cultural heartland – ang sentro ng kanilang pamumuhay, kasaysayan at yamang-kultura. Pangingisda at pag-alaga ng bangus at tilapia ang pangunahing kabuhayan dito. Malayo at hindi makikita ang bulubundukin ng Tampakan dito – para sa kanila isang pangalan ng bayan sa Timog Kotabato lamang ito at ang panaka-nakang kwento na dating sakop ng Sultanatong Maguindanao ang Tampakan. Mangilan-ngilan lamang ang nakakaalam na ang dalawa sa mga ilog na nagsusuplay ng tubig sa lawa ay direktang apektado ng minahan sa Timog Kotabato.  Hindi maikakaila na ang Lawa ng Buluan ay nasa gitna ng mga naguumpugang prinsipyo at interes sa Tampakan.

Ilang kilometro mula sa Buluan ay matatagpuan ang panukalang Tampakan Copper-Gold Project ng Sagittarius Mines Inc. at Xstrata na umaabot sa siyam na libu’t anim na raan at limang ektarya (9,605)ang kabuuang lugar ng minahan o katumbas ng dalawang Lungsod ng Maynila. Maaari rin nating ihalintulad sa dalawang daan at labing siyam na libu’t siyam na raan at walumpo’t dalawang (219,982) palaruan ng basketbol. Matatagpuan ang panukalang dambuhalang minahan sa mga probinsya ng Davao del Sur, Sultan Kudarat, Sarangani at Timog Kotabato. Aabot sa walong daang metro ang lalim ng huhukayin para makuha ang pilak at ginto ng bulubundukin ng Tampakan – doble sa taas ng Empire State Building sa Estados Unidos. Limang daang (500) ektarya ang lawak ng hukay nito. Bukod sa malaking hukay na gagawin ng SMI/Xstrata ay mayroon ding dambuhalang estraktura o dam na haharang sa mga ilog para gawing imbakan ng mga nakalalasong bato at kemikal mula sa mina.

Para maisakatuparan ang minahang ito, kinakailangang harangin, ibahin ang landas o tuluyang tuyuin ang pitong ilog na nagmumula sa mga bulubundukin ng Tampakan, Kimlawis, Bololsalo, Columbio at Malungon. Apat na sanga-sangang sistema ng mga sapa at ilog ang direktang maapektuhan: ang ilog ng Taplan na umaagos patungong ilog ng Marbel na siyang dumadaloy patungong Lawa ng Buluan, patungong pinak ng Ligawasan na tuluyan namang lumalabas sa Look ng Illana sa Kotabato; ang ilog ng Alip sa Columbio na umaagos patungong bayan ng Datu Paglas sa Maguindanao, papuntang Ligawasan at Look ng Illana; ang ilog ng Padada sa Davao del Sur na dumadaloy papuntang Look ng Malalag; at ang ilog ng Buayan sa Malungon, Sarangani na dumadaloy patungong Look ng Sarangani.

Matakaw sa tubig ang kahit anong minahan, mas lalo na sa isang dambuhalang minahan katulad ng Tampakan Copper-Gold Project. Bawat segundo, mangangailangan ito ng siyam na raan at walong litro (908 L) bawat segundo na kukunin mula sa ilog ng Mal at gagawing walong daang (800) ektaryang dam, na magsusuplay ng tubig para ipanghalo sa mga nahukay na bato na siya namang ipapasok sa tubo na magdadala nito sa baybayin ng Maasim, Timog Kotabato, upang ibenta sa mga kompanya. Ang siyam na raan at walong litro bawat segundo ay pitumpo’t walong libo’t apat na raan at limampu’t isang (78,451) kubiko metro ng tubig sa isang araw – tubig na sana’y nagamit ng libu-libong magsasaka ng Davao del Sur, Sultan Kudarat, Timog Kotabato at Sarangani. Sa pangambang dulot ng pagbabagong klima o Climate Change, higit kailanman na dapat pangalagaan ang mga natitirang gubat na sumasalo ng tubig sa kabundukan, at ang mga ilog na kabahin ng ating pagkabuhay.

Sa katunayan, nagbabala ang mga dalubhasa sa Manila Observatory at PAGASA na sa loob ng dalawampung (20) taon ay makakaranas ng papaunting pag-ulan ang Timog Mindanao. Tinaguriang buslo ng pagkain o food basket ng Mindanao ang Katimugang Mindanao, at sa harap ng panganib na dala ng pagbabagong-klima kailangan nating tanuning ang ating mga sarili kung alin ang mas importante para sa ngayon at sa darating na mga araw: ang mina o ang pagkain? Ang ginto’t pilak o mga ilog na nagsisilbing patubig sa ating mga bukirin? Ang dambuhalang hukay ng mina o ang mga kabuhayan natin sa ating lawa?

Higit sa lahat, “ang tubig ay buhay”. Siya ay ugat ng pagkabuhay, pagkatao’t pagkakakilanlan. Ngunit magiging tapat lamang ang katagang ito kung magkakaisa tayong mga mamamayan sa pagharap sa hamong dala ng pagmimina. Ang laban para sa tubig ay higit pa sa kahit anong relihiyon, lahi o kulay ng balat. Ang tubig ay biyaya na bigay ng Maykapal para sa lahat, at hindi lamang sa iilang ganid at gahaman sa kinang ng pilak at ginto.

Ngunit magiging totoo lamang na ang tubig ay buhay, kung ang ating mga ilog, sapa, lawa, pinak, look at dagat ay buháy! Tutulan ang pagkasira ng ating katubigan! Tutulan ang SMI/XStrata!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s