Pagbibigay Boses sa Homo Narrans Gamit ang Pagtatalambuhay

 

Palagi itong nagsisimula sa ganitong pormula: ang pag-ahon ng usisa at mangha, ang marahang halik ng hangin na pumipitas sa mga lumang memorya, at ang unang mga bituin, nanginginig, inilalaraw sa itim ng ating mga mata. Ganito nagkaka-anyo ang mga kuwento at sanaysay simula’t sapul noong unang panahon na nagtipon ang mga tao malapit sa init ng apoy. Maaaring literal o talinghaga ang ganitong simula, ngunit ang pagbuo ng mga kuwento ay bumubukal mula sa udyok na lumikha o paglikhang muli sa mundo sa pamamagitan ng mga salita, at upang maipasa’t mailipat ang kanyang kwento sa mga sabik na tagakinig.

 

Masasabi nga nating bukod sa pagiging mga Homo sapiens (mga taong nag-iisp), ang mga tao ay Homo narrans din – mga tagapagsalaysay, mga tagapag-kuwento, na nararanasan ang buhay bilang mga serye ng naratibo na binubuo ng mga karakter sa isang kuwento na may simula, gitna at katapusan. Ang Homo narrans ay hindi lamang isang hayop na nangahas na makipagtunggalian sa mga mas mababangis na hayop sa kagubatan, o hayop na matagumpay na nakapaghanap ng mainam na sistema ng paggawa at paghahanap ng pagkain at tirahan, ngunit isa rin siyang hominid na natutong manirahan sa mga likhang-diwa o ‘di kaya’y mga panahon o lugar na gawa lamang sa mga guni-guni. Samakatuwid, ang Homo narrans ay tayo, na hindi lamang nabubuhay sa ngayon at dito, bagkus ay nabubuhay din sa mga salusalungat na bersyon ng ating nakalipas, pag-aasam at alinlangan sa kinabukasan, at pati na rin sa mga purong guni-guni na gawa ng malikhain at malikot na imahinasyon.

 

Hindi maikakaila na isa sa mga gawaing pampalipas-oras ng mga tao, noon hanggang ngayon, ay ang pagkukuwento tungkol sa sarili, sa iba, sa kapaligiran, totoo man o gawang-isip lamang. Maaaring nagsimula ang ganitong kaugalian mula pa noong mga mangangaso’t tagatipon (hunter-gatherer) pa ang mga sinaunang pamayanan o ‘di kaya’y mula pa noong natutong mangusap at tuluyang mabuo ang pagkakaintindihan ng mga tao gamit ang lengwahe. Sa kabila naman nito, ay maaari din na umusbong ang Homo narrans sa panahon nang natuto ang mga tao ng pagtatanim (agrikultura at hortikultura) kung saan kailangan humintay sa panahon ng anihan at nabibigyan ng mga malayang panahon ang mga tao para sa mga katuwaan o paglikha ng mga kagamitan.

 

Kahit ano pa mang teorya ang sundin natin, umusbong mula sa hilig ng mga tao na magkuwento at magsalaysay ang iba’t ibang uri ng nasusulat at hindi nasusulat na mga panitikan. Nariyan ang mga drama, komedya, nobela, epiko, kwentong bayan, at iba pa. May iba’t ibang layunin ang bawat uring ito ng panitikan – magbigay-aliw, magbigay kasagutan sa mga tanong, magpasa ng karunungan o magsiwalat ng magagandang asal. Napakalawak na ang teritoryong naabot ng pagkukuwento mula sa simpleng pagtitipon sa init ng apoy hanggang sa umabot sa dulo ng ating mga daliri gamit ang mga makabagong kindle o iPad. Nagbago na nga ang mga pamamaraan ng pagsasalaysay ng Homo narrans, ngunit ang manghang humahalina sa kuwentista ay siya pa ring mangha na namukaw-sigla sa mga sinaunang manunula/t.

 

May isang uri o genre sa panitikan na layuning ilarawan ang buhay ng isang tao. Sa paraang ito, ang Homo narrans ay direktang nagkukuwento o ikinukuwento ang kanyang buhay mula sa memorya. Base sa tunay na mga kaganapan ang pagsalaysay dito. Tinatawag na talambuhay o biography ang uring ito. Dito inilalarawan ng tagapagsalaysay ang buhay ng isang tao sa pamamagitan ng pag-interbyu sa taong kanyang sinusulat o sa mga malalapit sa kanya, at pangangalap ng iba’t ibang materyal (halimbawa mga liham, diary o journal). Mainam itong paraan ng paglalarawan hindi lamang ng taong sinusulat, kundi pati na rin ng panahon, lipunan at mga kaganapang kinapapalooban niya.

 

Sa larangan ng Agham Tao ay ginagamit ang pagtatalambuhay bilang isang paraan ng paglalarawan o pagguhit ng kapirasong realidad. Kung ang lahat ng mga akademikong sulatin ay kuwento ng mundo at realidad ng lipunan o ng isang tao, ang pagtatalambuhay ay mainam na paraan ng pagpinta sa ginagalawan natin/niyang panahon, lipunan at konteksto. Nilalagyan ng  pagtatalambuhay ng mukha, pangalan, boses, lasa at lokal na kahulugan ang malimit na tuyo’t tabang ng mga akademikong sulatin.

 

Wala namang paraan ng pananaliksik na buong buong maipipinta ang realidad o kaya’y maisisiwalat ang Katotohanan, ngunit layunin ng pagtatalambuhay na mabigyang puwang ang malimit na nakakalimutang mga boses sa pag-aaral ng Agham Tao.

 

Sa paraan ng pagtatalambuhay, hindi lamang taga-kuwento ang Homo narrans – siya mismo ang paksa ng kuwento. Lokal, partikular at indibidwal ang pagtatalambuhay. Kung layunin ng agham tao na maintindihan ang iba, sa pamamagitan ng pagtatala ng kanyang buhay, ay nabibigyang kahulugan nito hindi lamang ang kanyang sariling buhay kundi pati na ang konteksto ng kanyang mga gawain at desisyon. Sa gitna ng nakabibinging mga boses ng minsana’y salusalungat na naratibo, nabibigyang importansya ng pagtatalambuhay ang kuwento ng ilan upang mailarawan ang kahit kapiraso ng kabuuang kwento ng Homo narrans. Ang taong nasusulat sa talambuhay, kumbaga, ay isang saksi sa kanyang ginagalawang mundo.

 

Mahilig tayong makinig, magbasa at mangusisa ng kwento – mga chismosong Homo narrans nga tayo na sabik malaman kung ano ang pinaggagawa ng isang tao, personal na kakila man o hindi. Sa mga talambuhay ng mga sikat na personalid ay nakikita natin ang gara ng kanilang pamumuhay, ang mga damit na hindi natin kayang bilhin, ang mga lugar na hindi pa natin napupuntahan. O kaya’y sa talambuhay, nararamdaman natin ang poot ng mawalan ng anak sa boses mismo ng ina. Nagbubukas ng mga bintana ang talambuhay. Hindi ka naman talaga pinapapasok sa bahay, pinapasilip ka lang sa mga kwarto, minsa’y nasusulyapan din ang laman ng mga aparador, ngunit hanggang doon ka lang bilang researcher o mambabasa. May hangganan ang kabutihang loob ng maybahay. Hanggang tampisaw lang tayo sa batis ng Katotohanan.

 

One thought on “Pagbibigay Boses sa Homo Narrans Gamit ang Pagtatalambuhay

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s