Pagpapakabuluhang Ekolohikal sa Talinghaga ng Lemlunay

May umiiral na diin patungo sa makaluntiang kamalayan at makakalikasang kalinangan na nagaganap sa bayan. Ito ay pinatutunayan ng mga nagsisisulputang batas na nagbabawal sa plastik, paninigarilyo, o ‘di kaya’y ang mainit na pagtutunggalian (sa lebel ng propaganda, adbokasiya, o sa lakas ng ingay) ng mga pabor at hindi pabor sa pagmimina. Nagsimulang umusbong noong dekada-sisenta nang magkaroon ng eskandalo sa mga nakalalasong pamatay-peste na dichlorodiphenyltrichloroethane o DDT sa Estados Unidos hanggang sa nasalin ang mga argumentong ekolohikal sa iba’t ibang mapanirang pamamaraan, halimbawa sa agrikultura, pagmimina, sa mga naglalakihang pagaawan at pabrika, hanggang sa pagpapalagom ng makakalikasang agenda sa mismong pansariling pamumuhay.

Pati na sa larangan ng antropolohiya ay nakapasok rin ang pamamaraang ekolohikal sa mga teorya at usaping pangkultura, na siyang nagdagdag ng bagong pananaw sa diskurso ng ‘pagkaka-kultura’ kung saan sinasabi na ang kapaligiran ang siyang nagdidikta at nagkakahon sa kung anong kultura meron ang isang tribo o kumunidad. Kaya naman napapanahon ang pag-aaral na ito, hindi lamang dahil sa nararamdamang epekto ng pagbabagong-klima (climate change) kundi pati na rin sa mga nakapanlulumong mga pang-aabuso sa mga katutubo na siyang napapagitna sa mga diskursong (o promesang) sustainable development at kaliwa’t kanang mga polisiya patungkol sa kanila o sa kanilang lupaing sakop – kadalasan ay ang huli. Hindi maikakait na dapat pagtuunan ng pansin ang mga pakikipagbuno ng mga katutubo sa panahong ito kung kelan mabilis, panakaw at ganap ang mga pagbabago sa kanilang kultura.

Nang nakalipas na linggo, nagsulat ako ng isang mala-paghuhukay sa mga naipababawang mga pagpapakahulugan (hindi malayo sa isang arkeyolohiko) sa mitolohiya ng mga T’boli, bukod tangi sa kwento ni Boi Henwu at Lawa ng Sebu. Napatotoohan natin na ang mga mito ay may nilalamang mga istrukturang panlipunan ng tribong nagmamay-ari nito. Ang mga istrukturang ito na nasa kanilang mga mitolohiya ay para bagang mga bakas ng kanilang kultura, na walang malay na napaloob dito – naglakad sila sa baybayin ng mga matalinhagang mitolohiya, at naiwan ang mga bakas na siya ring marka ng kanilang pagiging sila. Ngunit sa ganoong pagsusuri, nakakaligtaang pagtuunan ng pansin ang mga elementong labas sa lipunan, ang kapaligiran ng tribo, ang mga hindi hawak ng tao. Isang awit ng mga T’boli ang nagpaalala nito sa akin – ang awit sa paghahanap ng Lemlunay. Makikita at madarama dito ang kapaligirang ginagalawan ng mga T’boli at kung paano nila inaasam-asam ang pagbabalik sa lugar ng lemlunay.

Ngunit bago tayo pumunta sa lemlunay, dumako muna tayo sa aking bayan sakay ng Bikol Express.

May naalala akong ritwal na ginagawa sa amin tuwing mag-aalas diyes ng gabi sa araw ng Biyernes Santo. Tinatawag namin itong ‘soledad’ sa Bikol na hango sa salitang espanyol at nangangahulugang kalungkutan. Ang imahe ng Mahal na Birhen Dolorosa ay ipinuprusisyon sa buong bayan, sinusundan ang direksyon ng mga ‘altares’ o ang way of the cross, kasama ang grupo ng mga kababaihan na umaawit ng patangis.  At bakit naman sumagi itong ritwal sa aking isip? Sapagkat sa aking mga limitasyon at kahong ginagawalan (bilang isang Bikolano na magdadalawang taon pa lamang sa Mindanao) nangangailangan ako ng mga bagay na maari kong balikan sa paghahalintulad ng mga saloobin, emosyon o mga pangyayari. Nais kong ihalintulad ang kalungkutan na madadama sa soledad sa isang awit ng mga T’boli na aking narinig sa Lake Sebu, at kahit na nga magmumukha akong tanga sa paggamit ng isang talinhagang naiiba naman sa teksto at konteksto ng mga T’boli, mainam na ibahagi ko ang aking nakaugaliang lasa at dama ng soledad sa paghahambing ng isang awit ng T’boli.

Sa pagnanais ng mga pantas ng agham-pantao na mailarawan ng sapat, tapat at ganap ang ano mang lipunan o grupo ng tao, hindi pa rin maikukubli ang mga personal na damdamin, saloobin, opinyon o haka-haka sa kanilang pagsusulat. At ganito marahil ang aking punto: kahit gaanong pilit nating gawing objective ang pagsasanaysay, dahil gumagalaw ang manunulat-antropologo sa kanyang kinapapaloobang lipunan, ideolohiya at relihiyon, hindi mai-aalis ang mga pansariling pananaw sa kanyang mga gawa. Samakatuwid, tama si Clifford Geertz sa kaniyang sinabi na ang antropolohiya daw ay hindi isang agham, na sumusunod sa pamamaraang siyentipiko, kundi isang pag-aaral ng mga kahulugang napapaloob sa kultura gamit ang pamamaraang pagpapakahulugan (interpretation) o dagdagan natin, pamamaraan ng pagpapakabuluhan – yaong pagbibigay ng halaga, diin, lalim, lawak at bigat sa bawat elemento ng kultura.

Ngunit sa isang banda, may isang pamamaraan sa pag-aaral ng agham-tao na pumilit sa pamamaraang siyentipiko. Ito yung sinuportahang Ecological Anthropology ni Leslie White, Roy Rappaport, Julian Steward, atbp. Sa teoryang ito, pinaniniwalaan at pinagaaralan kung papaano hinuhulma ng tao ang ginagalawan niyang kapaligiran at kung paano ito naka-aapekto sa kanyang buhay- panlipunan, politikal at pang-ekonomiya man. Ang pamamaraang ito ay nagtataguyod at nagsusuporta ng biological diversity o ang pagiging mayaman sa iba’t ibang uri ng hayop, halaman at ano mang may buhay, kakabit ng human diversity o ang pagiging iba’t-iba ng sangkatauhan. Magkakabit ang dalawa, ayon sa mga teyorista nito, dahil pinapakita sa mga pag-aaral ng Biology na mayaman at kinakailangan ang mga pagkakaiba’t ibang ito sa pagpapatuloy ng buhay sa ibabaw ng mundo (teorya ng ebolusyon ni Charles Darwin), ganoon din daw dapat ang sangkatauhan at ang mayamang pagkakaiba-iba ng lahi, itsura, ideolohiya, kulay ng balat, kultura, relihiyon atbp. Ang teoryang ito, samakatuwid, ang nagbalik ng siyentipikong pananaw at pamamaraan sa pag-aaral ng antropolohiya.

Sa sulating ito, nais kong gamitin ang lente ng pagpapakabuluhang ekolohikal sa pagpapalalalim ng makakalikasang kamalayan ng mga T’boli sa Timog Kotabato gamit ang isa nilang awit; ito na nga ang sinasaloob sa kantang Lemlunay. Sa puntong ito nais kong isanaysay ang awit na aking nakolekta’t nasalin sa Bayan ng Lake Sebu noong nakilahok ako sa isang pagtitipon ng mga manghahabi ng ikat dito sa Asya, na ginawa sa Lake Sebu, Timog Kotabato. Sumusunod ay ang awit:

Lemlunay gono setifun ne Lemlunay gono sesotu.

Lemlunay gono kemulo ne Lemlunay gono setambul

e se waten uni sembakung e Lemlunay tey lemobun.

Kapag literal na sinalin sa Filipino ay:

Ang lemlunay ay ang lugar kung saan tayo’y nagtitipon-tipon sa pagkakaisa

Hinahalina ng mga tunog ng piging, sa hampas ng mga agung at tambol,

Sinasalubong tayo ng mga ito sa paraisong nakukubli ng hamog.

May madaramang pinaghalong sabik at tangis ang awit na ito, hindi nalalayo sa tono at salimbay ng soledad na aking naririnig tuwing Biyernes Santo. Lalo na kapag sasagi sa isip mo ang mga aninong gumagalaw sa lawa ng Sebu na napapaligiran ng mga bundok at makapal na hamog – isang imaheng tumatatak sa mapaglarong isipan. Marahil isa lamang itong haka-haka na hindi nababagay sa metodolohiya ng agham-pantao, ngunit may karampatang pagpapasatotoo ang mga imahe at fantasma na ito.

Upang mas maintindihan natin ang kalagayang ekolohikal ng mga T’boli S’bu hayaan ninyo akong balangkasin muna ang heograpiya ng kanilang lupang sakop bago pumunta sa pagsusuri: Ang mga T’boli S’bu ay tradisyunal na naninirahan sa bayan ng Lake Sebu sa probinsiya ng Timog Kotabato. Mahigit-kumulang 40 kilometro ang layo mula sa Koronadal na siyang kapitolyo ng probinsya. Napapalibutan ng mga bayang ng Surallah (sa hilaga), Kiamba at Maitum (sa timog-kanluran), T’boli (silangan) at Palimbang  ng Sultan Kudarat (sa kanluran). Kasama sa ikaapat na klase ng klima ang Lake Sebu kung saan umuulan sa buong taon. Malamig at maaliwalas ang Lake Sebu na di nalalayo sa klima ng Baguio sa katimugang Pilipinas. Napapalibutan ito ng mga bulubundukin ng Daguma at Talihik sa bandang silangan, Bundok ng Busa sa timog-silangan, Pitot Kalabao sa bandang gitna at Bundok Talili sa bandang silangan. Kabilang din sa kanilang sakop ang lawa ng Sebu na parte ng Allah Valley Watershed na lumalagos sa ilog ng Pulangi patungo sa Look ng Illana sa Lungsod ng Kotabato.

Tumungo tayo ngayon sa pagsusuri ng nasabing awit.  Hindi maikakaila na ang paksa ng maikling awit na ito ay ang lemlunay. Ngunit ano ang lemlunay? Maraming maghahambing dito sa paraiso ng mga Kristiyano, ngunit hindi naaayon ang paghahambing na ito sa layunin nating buo at tapat na pagpapakahulugan. Kulang at ‘di sapat ang ‘paraiso’ na siyang nasa isipan nating kanluranin at saklaw ng Kristiyanong pag-iisip – wala itong bahid ng anumang konsepto ng kasalanan na katulad ng sa Henesis kung saan pinaalis ng Dios sina Adan at Eba mula sa paraiso ng Eden. Ito ay magkasabay na lugar at hindi lugar. Hitik na hitik ito sa kahulugan.

Masasabi natin na ito ay isang ‘hindi-lugar’ o kaya’y talinghaga na napapaloob din sa epiko ng Tudbulol, kung saan pumunta ang kanilang kapita-pitagang bayani na si Tudbulol nang ito ay mamatay (hindi nalalayo sa langit) na nagpapakita na ang lemlunay ay napapaloob sa teritoryo ng mito at mga kwento ngunit sa isang dako ay isa ring lugar na hinahangad ng mga T’boli sa kanila mismong bayan, kung saan walang mahirap, walang nagugutom, walang gulo, walang sakit, walang pagnanais dahil ang lahat ng nais ay natatamo o kaya’y natamo na. Ang lemlunay samakatuwid ay talinghaga para sa buong kalupaang-sakop ng mga T’boli na hindi lamang nakakahon (kung ito man ang tamang metapora) sa dimension ng mga mito kundi sa kanila mismong ginagalawang kumunidad kasama ang mga bulubundukin nito, mga ilog, lawa, kakahuyan at mga sapa. Itong pag-iisa ng dalawang konsepto ng lemlunay ­–ang lugar na lugar at ang hindi-lugar o ‘talinghaga’– sa lupaing-sakop ng mga T’boli ay maaaring sintomas ng pagtakas (escapism) mula sa mga hindi kanais-nais patungo sa inaasam-asam. Pagtakas kaya mula saan o ano?

Hindi maikakaila ang ganda at yamang-likas na sakop ng mga T’boli. At marami nang nagpatotoo sa sinasabing sumpang dala ng mga likas yaman. Pinasok ang kanilang lupang-sakop ng mga taong may dala ng mga ideolohiyang banyaga na nagpunla ng mga bagong konsepto ng pagmamay-ari, pangangahoy, pagsasaka, pananalapi, relihiyon atbp. Sa pagpasok na ito, masasabi nating may nangyaring paghahalo ng mga kultura, may nangibabaw at may nagharing kultura. Ngunit hindi lubusan na naglalaho ang mga elemento ng kultura ng isang tribo o kumunidad, nagbabalat-kayo ang mga ito, nag-iibang itsura at pangalan o sa teoriya ng kultura ay diffusionism. Makikita natin ngayon ito sa pag-iba ng pananamit, lenggwahe at relihiyon ng mga T’boli. May paghahalo na naganap.

Pinasok rin ang kanilang lupang-sakop ng mga ‘taga-labas’ na namuhunan sa mga naglalakihang palaisdaan ng tilapia sa lawa ng Sebu, mga mangangahoy at pati na rin ng mga maliliit na nagmimina sa kanilang mga sakop na bundok. Hindi nagtagal ay nakalbo ang mga kabundukan, lumaki ang posibiliad ng pagtagas at pagguho ng lupa na nagdadala ng putik at mga pamatay-peste sa katubigan. Pati na rin ang lawa ay nangibang-anyo. Punong-puno na ito ng mga kulungan ng isda at ang mga endemikong isda ay kinain na rin ng mga mas naglalakihang tilapia hanggang sa ito ay mas mahirap nang mahanap ngayon. Ibang-iba na ang lemlunay. 

Ito marahil ang katuwiran sa kanilang ‘pagtakas’. Ito marahil ang nadaramang kalungkutan ng mga mang-aawit ng lemlunay at ang pagnanasa na makabalik, kahit man lang sa talinghaga at imahe ng mitolohiya, sa lemlunay ni Tudbulol kung saan may piging at ang mga tunog ng tambol at agung ay muling naririninig na umaalingawngaw sa mga bundok.

Maganda ang imahe ng hamog sa awit. Isa rin itong talinghagang nagpapahiwatig na natatago ang inaasam-asam na lemlunay ng hamog – marahil ng kamangmangan, kahirapan, pagpapawalang-bahala, kasakiman o papapawalang-kabuluhan sa mga mito at sa kalagayan ng kanilang ginagalawang kapaligiran.

Sa ritwal ng soledad sa aking bayan, sinusundan ng mga kababaihan ang mga dinaanang paghihirap ni Hesus patungo sa Kalbaryo. Binabalikan ang bawat kaganapang puno ng sakit at pighati. Ngunit alam ko na ang paggunita ay mayroon ding kakambal na paghilom. Ganito rin marahil ang nadarama ng mga mang-aawit ng lemlunay. Sa paggunita ng mala-paraisong lemlunay at habang napapaligiran ng nagbabagong bayan ng Lake Sebu, ay hinihilom ang mga sugat sa memorya at inuudyok ang sino mang tagapakanig o marahil siya na mismo, na hawiin ang hamog na bumabalakid tungo sa natatagong lemlunay – tungo sa lugar na lugar, ang mayamang-likas na kanilang sakop, at sa bayan ng mga talinghaga.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s